Pagbabalik Tanaw sa Kapistahan ni Sta. Teresita ng Batang Hesus - STP News - Santa Teresita Parish

Search
Go to content

Main menu:

Pagbabalik Tanaw sa Kapistahan ni Sta. Teresita ng Batang Hesus

Published by Sis. Ardie O. Pescador in News Update · 16/10/2014 09:53:42


Taun-taon ay ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng ating mahal na Patrong si Sta.Teresita ng Batang Hesus. Sa bawat pagdiriwang, naroroon ang kasayahan at pakikilahok ng mga tao.  Subalit sa taong ito, kapuna-puna ang higit na masaya, masigla, makulay at aktibong pakikiisa ng bawat mananampalataya. Mula sa unang araw ng nobena hanggang sa huli ay madarama mong espesyal na pinaghandaan ito. Bawat araw ay “concelebrated” ang Banal na Misa na pinangunahan ng mga panauhing pari kaakibat ang temang inilaan sa bawat araw na nakaugnay sa buhay ni Sta. Teresita.
Lalo pa itong pinatingkad ng mga “sponsors” sa bawat araw ng nobena sa pamamagitan ng kanilang di pangkaraniwang bilang ng mga handog o alay. Nakakataba ng pusong makita ang mga batang tuwang tuwa at halos mag-unahan sa paghain ng kanilang mga alay at nagsiksikan sa harap ng Altar para sa kanilang bendisyon. Alam kong labis ang kaligayahan ni Sta.Teresita sa mga batang ito.

Ang huling araw ng nobena, ika-4 ng Oktubre, 2014, ay tinampukan ng isang mahabang prusisyon na tinugtugan ng
tatlong grupo ng banda, ang (Philippine Army)PA Band at dalawang MAPSA Band. Kasama sa prusisyon ang mga kasaping organisasyon ng Parish Pastoral Council sa pamumuno ng masipag na Coordinator, Bro.Edwin Aguila. Nakiisa rin ang West Rembo Baranggay Council sa pamumuno ng mabait na Kapitana Judith B. Celos kasama ang ibat-ibang organisasyong kasapi dito.  Masaya at masigla ang mga lumahok sa prusisyon. May mga caracol dancers, mga kabataang sumasayaw habang naglalakad. Ang mga iba naman ay kanya-kanya sa pagdarasal ng Rosaryo. May mga tahanang nag-abang sa pagdaan ng prusisyon at naghagis ng mga talulot ng rosas kay Sta. Teresita. Masarap sa pakiramdam ang makita kung gaano at papaano pinahahalagahan ng mga tao ang pagbibigay pugay sa ating mahal na Patron.

Kinabukasan, ang dakilang araw ng Kapistahan, di mahulugang karayom ang dami ng taong dumalo sa Banal na Misa. Mapalad ang ating parokya sapagkat ang naging punong tagapagdiwang sa Banal na Misa ay ang kagalang-galang na Bishop Teodoro Bacani, ang Bishop Emeritus ng Novaliches, kasama ang mga kaparian ng Montfort. Bakas ang kagalakan at paghanga sa mukha ng Obispo. Hindi niya naitago ito sa kanyang homiliya nang sabihin niyang, “Ang altar ng inyong simbahan ay bongga sapagkat ginto ang kulay nito. Ang mga nakapalibot na salamin ay bongga sapagkat gawa ito sa magagandang stained glass. Ang mga naglilingkod at nagsisimba ay bongga sapagkat nakasuot Filipiniana. At ang mga kabataang sumayaw ng Papuri ay bongga dahil sa ganda ng kanilang pagganap at kasuotan.”  Subalit sa kabila ng paghanga niya sa ating simbahan at sa mga kasapi nito, ipinaalala pa rin niya sa atin na dapat din tayong maging bongga sa pagsunod sa magagandang katangian ni Sta.Teresita na kung saan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay ipinadama pa rin niya ang wagas na pag-ibig kay Hesus.

Sino nga ba ang hindi mamamangha sa napakalaking pagbabago ng ating simbahan? Talagang kahang
a-hanga ang ipinamalas na kakayahan ng ating Kura Paroko, Rev. Fr. Richard Magararu,SMM. Sa maikling panahon pa lamang ng kanyang panunungkulan sa parokya ay napakalaking pagbabago na sa anyo ng simbahan ang kanyang nagawa. Sabi nga ng ilan, “miracle worker” daw si Fr.Richard. Ang sabi naman ng iba, nakikita raw agad ang ibinibigay na tulong ng mga tao sa simbahan. Mga pamumunang masarap pakinggan at nakapagbibigay inspirasyon upang higit na mapagbuti ang magagandang balakin para sa parokya. Ang magandang “tandem” ng ating kura paroko at ng kanyang katuwang na pari, si Rev.Fr. Angelito Pusikit,SMM, ay isa ring susi sa tagumpay ng proyekto  ni Fr. Richard.  Sa pamamagitang ng mga pagbabagong ito, nadaragdagan ang mga nagnanais maging kasapi sa ibat-ibang organisasyon ng parokya bukod pa sa tumataas na bilang ng mga nagpapabinyag at nagpapakasal.

Pagkatapos ng Banal na Misa, pinangunahan ni Bishop Teodoro Bacani ang pagbubukas ng mga exhibits ng ibat-ibang organisasyong kasapi sa simbahan. Ito ay ginanap sa covered court ng baranggay. Maayos, maganda, at makabuluhan ang mga ipinakitang exhibits. Dito ay mapupuna ang kaayusan, kasipagan, at aktibong pagkilos at pakikiisa ng bawat kasapi sa kanyang grupong kinabibilangan. Marami ring tao ang dumalo, karamihan ay mga kasapi ng BEC. Lahat ay nakisaya sa maikling palatuntunang pinamunuan ng BEC Coordinator, Bro. Val Canilao at ni Sis. Linda Igna, kalihim ng Parish Pastoral Council.

Naging lubos na matagumpay ang kapistahan ng ating Patron sa taong ito. Lalo pa itong pinatingkad dahil sa pagsusumikap ni Fr.Richard na magkaroon ng sariling website ang ating parokya, ang www.santateresitaparish.com
. Isang mithiing naisakatuparan ng ating kura paroko sa tulong ng isa pa nating kinagigiliwang pari, Rev.Fr. Rey Bullas,SMM.  Sinuman ngayon ay maaari nang makaalam sa mga gawain ng ating parokya sa pamamagitan lamang ng pagbubukas sa ating website.

Congratulations, Fr.Richard and Fr. Rey!

Nawa sa mga darating pang kapistahan, asamin natin ang higit pang tagumpay sa pamamagitan ng mga gawaing higit na maglalapit kay Sta.Teresita sa mga tao.

Viva Sta. Teresita!

- Sis. Ardie O. Pescador, Asst.Coordinator, PPC


>>>more news<<<